MANILA, Philippines - Maipapakita ng Philippine Marines Corps ang bangis sa pagbaril sa gaganaping 2011 Sniper Shooting Competition na gagawin sa darating na Linggo sa Taytay Tactical Rifle Range sa Rizal.
Ilan sa mga mahuhusay na marines ang sasalang sa demostration sa 1km target habang ang iba naman ay sasali bilang guest team sa aktuwal na kompetisyon.
Mangyayari ito sa Agosto 26 at 28 kapag isinalang na ang tagisan sa high-powered rifle (.223).
Ang apat na araw na torneo na unang palaro ng Philippine National Shooting Association (PNSA) sa pangunguna ng bagong pangulong si Mikee Romero ay magsisimula sa Linggo sa pamamagitan ng small bore rifle (.22).
Nangyari ang paglahok ng marines dahil sa pagpayag ni Philippine Marines Commandant Major General Rustico Guerrero.
“I’m thankful to Maj. General Guerrero for allowing his elite unit to demonstrate their skills and some of them taking part in our event. This is one step to attract more shooters,” wika ni Romero na CEO rin ng Harbour Centre.
Kilala ang husay ng marines nang nagpapahiram pa sila ng shooters sa mga nilahukang international competitions.
Kasama sa mga kuminang sa hanay ng mga marines ay sina Bartolome Teyab at Julius Valdez dahil ang una ay isang 3-time SEA Games champion habang dalawang beses naman nanalo sa nakaraang Southeast Asian Games ang huli.