MANILA, Philippines - Sisikapin ng Ateneo at FEU na manatili ang agwat nila sa ibang katunggali sa pagpapatuloy ng 74th UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Ikaanim na sunod na panalo ang nakaumang sa Blue Eagles na haharapin ang lakas ng UST sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang bakbakang Tamaraws at Maroons sa ala-1 ng hapon.
May pumapangalawang 4-1 karta ang tropa ni coach Bert Flores kasama ang tatlong sunod na panalo para malagay ang koponan na may mainit na streak sa liga.
Magtutulung-tulong uli sina RR Garcia, Aldrech Ramos, Terrence Romeo at Chris Tolomia, ang bida nang talunin ng koponan ang UST sa huling laban, 62-59, para mapanatili ang mainit na laro at maipalasap naman sa Maroons ang kanilang ikaapat na sunod na kabiguan matapos manalo sa opening day laban sa UE.
Tiyak naman na ipaparada uli ni coach Norman Black ang mahuhusay na sina Greg Slaughter, Kiefer Ravena, Nico Salva, Kirk Long at Emman Monfort laban sa Tigers na ipantatapat naman sina Jeric Teng, Jeric Fortuna, Karim Abdul, Chris Camus at rookie Kevin Ferrer.
Kailangan ng tropa ni coach Alfredo Jarencio ang panalo upang makuha uli ang winning record dahil kasalukuyan silang may 2-2 baraha na kinatampukan ng dalawang sunod na kabiguan.
Matapos manalo sa mga koponan ng NU (73-72) at UE (70-63) ay tumaob ang Tigers sa mga bigating koponan na Adamson (71-81) at FEU (59-62) upang malagyan ng alinlangan ang kakayahan ng UST na maging palaban sa titulo sa taong ito.