MANILA, Philippines - Sasandalan ng anim na boksingero na lalaban sa Asian Boxing Championships sa Incheon, South Korea ang tagumpay na naitala ni 15-anyos Eumir Marcial nang maging kauna-unahang Filipino na nanalo sa AIBA Junior World Boxing Championships sa Astana, Kazakhstan.
“Sabi nga namin, kung nakaya ni Marcial na manalo ng ginto, mas maganda ang tsansa ng elite team na manalo,” wika ni coach Pat Gaspi nang nakasama si Marcial at Ronald Chavez na dumalo sa maulang PSA Forum kahapon sa Shakey’s UN Avenue.
Ang mga sasandalan para sa mahalagang medalya sa Korea ay sina Guangzhou Asian Games gold medalist Rey Saludar, Joan Tipon,Charlie Suarez, Wilfredo Lopez, Orlando Tacuyan at Mark Anthony Barriga na ipapalit sa na-injured na si Victorio Saludar.
Mahalaga ang resulta sa laban sa Korea dahil gagamitin ito ng ABAP para madetermina kung sino ang ilalaban sa World Championships sa Baku, Azerbaijan sa Setyembre na isa sa dalawang qualifying event para sa 2012 London Olympics.
Sa panig ni Marcial, masaya siya sa naabot dahil bukod sa pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas, naisakatuparan din ng panalong ito ang hangaring makatulong sa kanyang pamilya nang bigyan siya ng P300,000 insentibo ni ABAP chairman Manny V. Pangilinan.
“Sa ngayon po ay mag-aaral ako sa Baguio sabay ng training. Ang perang ibinigay sa akin ay ibibigay ko rin sa aking mga magulang para matulungan ko sila,” wika ng 15-anyos tubong Zamboanga na si Marcial.