MANILA, Philippines - Tunay na nakabangon na si LA Revilla mula sa banig ng karamdaman.
Hindi nakalaro ang point guard ng La Salle sa 73rd season dala ng pagkakaroon ng diabetis at hyperthyroidism.
Pero ngayong nakakapaglaro na siya, naipapakita niya ang kanyang angking husay para tulungan ang Green Archers sa kasalukuyang 3-2 karta.
May three-game winning streak ang tropa ni head coach Dindo Pumaren at dalawa ay kinuha sa mga laro nitong nagdaang linggo.
Si Revilla ang siyang bumandera sa koponan upang hirangin siya bilang ACCEL-3XVI UAAP Press Corps Player of the Week na handog rin ng Gatorade.
May 19 puntos, 6 steals, 5 rebounds at 1 assists si Revilla nang manalo ang La Salle sa National University, 74-63, bago naghatid ng 10 puntos, 4 rebounds, 2 assists at 2 blocks nang mangibabaw ang Green Archers sa UE, 87-63.
“Gusto ko lang maipakita na kaya ko pa ring makipag-compete. Nais ko rin tulungan ang aking paaralan na manalo sa liga,” wika ni Revilla.
Tinalo ni Revilla para sa parangal na ibinibigay ng mga mamamahayag na kumokober sa 74th UAAP men’s basketball si na Jaerlan Tampus ng La Salle, Emannuel Mbe ng NU at Alex Nuyles ng Adamson.