Miami Heat coach Erik Spoelstra nasa bansa para sa NBA Fit program

MANILA, Philippines - Kagaya ni Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers, ilang ulit na ring bumabalik si Miami Heat head coach Erik Spoelstra sa Pilipinas.

Nasa bansa si Spoelstra para muling pangunahan ang NBA FIT program.

 “The game has been good to me so it’s my way of giving back especially to my heritage. It makes my week very special,” sabi ni Spoelstra, ang inang si Elisa Celino ay tubong San Pablo, Laguna at ang amang si Jon Spoelstra ay isang Dutch-Irish-American na naging NBA executive sa Portland Trail Blazers, Denver Nuggets, Buffalo Braves at New Jersey Nets.

Makakatuwang ni Spoelstra sa NBA FIT program ang kanyang coaching staff sa Heat.

Si Spoelstra, katuwang sina Heat assistant coaches David Fizdale at Chad Kammerer, ang mangunguna sa NBA FIT Development Camp para sa Energen Philippine Under-16 National Team.

Ang koponan ni dating PBA star Olsen Racela ay naghahanda para sa darating na FIBA-Asia Under-16 Championships na nakatakda sa Oktubre.

Hindi naman nakaiwas si Spoelstra sa mga katanu­ngan ukol sa pagkatalo ng Miami sa Dallas Mavericks sa nakaraang NBA championship series.

Ayon 41-anyos na produkto ng University of Portland, isang magandang karanasan ang paggiya niya sa Heat sa NBA Finals.

"We didn’t get our goal but it’s another learning ex­perience. It makes us stronger, more resilient for next sea­son," sabi ni Spoelstra.

Itinampok ng Miami sina LeBron James, Dwyane Wade at Chris Bosh. Nanaig sina Dirk Nowitzki, Jason Kidd, Jason Terry at Shawn Marion para sa unang NBA championship ng Mavericks.

Show comments