MANILA, Philippines - Hangad ng Aces ang kanilang ikalawang sunod na panalo, samantalang mag-uunahan namang bumangon ang Tropang Texters, Gin Kings at Llamados.
Magtatagpo ang Alaska at ang Barangay Ginebra ngayong alas-7:45 ng gabi matapos ang salpukan ng Talk 'N Text at B-Meg sa alas-5:30 ng hapon sa semifinal round ng 2011 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.
Nagmula ang Aces sa 88-81 panalo sa Petron Blaze Boosters noong Hulyo 24, habang nakalasap ang Gin Kings ng isang 88-96 kabiguan sa Boosters sa kabila ng isang 28-point deficit sa third period noong Miyerkules.
Kasalukuyang tangan ng Talk 'N Text ang liderato sa kanilang 7-3 baraha kasunod ang Ginebra (6-4), Alaska (6-4), Petron Blaze (6-4), B-Meg (6-5) at Rain or Shine (5-5).
Sa naturang tagumpay sa Boosters, nagtala si import Jason Forte ng 36 points at 10 rebounds para sa Aces.
Bukod kay Forte, muling aasahan ng Alaska sina LA Tenorio, Sonny Thoss, Tony Dela Cruz, Bonbon Custodio at Brandon Cablay katapat sina import Donald Sloan, Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Eric Menk at Ronald Tubid ng Ginebra.
Sa unang laro, pipilitin namang makabawi ng Talk 'N Text at B-Meg mula sa kani-kanilang kabiguan.