MANILA, Philippines - Hinimok ng multi-titled shooter na si Nathaniel “Tac” Padilla ang mga sports leaders sa bansa na tutukan na nila ang batang shooters na gumagawa na ng marka para hindi masayang ang talento ng mga ito.
Tinukoy ni Padilla na siyang nag-uwi ng natatanging ginto sa shooting sa Laos SEA Games si Jason Valdez bilang isa sa mga papasibol at may malaking potensyal na mangibabaw sa mga malalaking kompetisyon tulad ng Olympics.
Sa ngayon si Valdez ang pinakamahusay sa 10m air rifle event sa bansa at sa murang edad na 15 ay hawak na ang national record sa 595 puntos. Kapos lamang siya ng limang puntos para sa perfect score.
“Malaki ang potensyal ng batang ito dahil sa kanyang murang edad ay nakaka-595 points na. Ang mga ganito ang dapat nating suportahan dahil may time pa sila, agresibo at andoon ang kanilang interes,” wika ni Padilla.
Dahil rito kaya’t hinihingi ni Padilla sa pamunuan ng PNSA at Philippine Sports Commission na bigyan na si Valdez ng exposures tulad ng paglahok sa Southeast Asian Shooting Association Championships sa Laos at sa Asian Air Gun Championships sa Kuwait sa Oktubre.
Kasama si Valdez sa Indonesia SEA Games at kung mabibigyan ng international exposures ay naniniwala si Padilla na may tsansa itong magmedalya.
Kasali rin si Padilla sa Indonesia at ginagawa rin niya ang lahat ng dapat gawin para maihanda ang sarili sa laban.