2 malalaking torneo sa bilyar inilinya sa Pinas

MANILA, Philippines - Magpipista uli ang mga mahihilig sa larong bilyar dahil ang Pilipinas pa rin ang magtataguyod sa dalawang malalaking torneo sa buwan ng Setyembre.

Unang sasarguhin ay ang 2011 PartyPoker.net World Pool Masters sa SM City North Edsa mula Setyembre 3 hanggang 5.

Ang Matchroom Sports ang siyang promoter ng laro at dadalhin nila ang mga kampeon sa World 8-ball, 9-ball at 10-ball bukod pa sa Beijing at China Open.

Aabot sa 16 na bilyarista mula sa 12 bansa ang maglalaro at magtatangkang ibulsa ang nakatayang $20,000 unang gantimpala mula sa $66,000 kabuuang premyo.

Sina Francisco Bustamante, Lee Van Corteza, Dennis Orollo at Efren Reyes ang kakatawan sa bansa at makikipagtagisan kina Yukio Akagariyama ng Japan, Darren Appleton at Chris Melling ng England, Chang Jun-ling ng Chinese Taipei, Tony Dragon g Malta, Fu Jianbo ng China, Raj Hundal ng India, Mika Immonen ng Finland, Jason Klatt ng Canada, Huidji See ng Holland, Ralf Souquet ng Germany at Shane Van Boening ng USA.

“It’s fair to say that this is one of the strongest fields ever assembled for the Masters. There will be no easy matches and every player here is a champion,” wika ni Barry Hearn na siyang chairman ng Matchroom Sports.

Kasunod nito ay ang paglarga naman ng 11th Predator International 10-ball Championship na itinakda mula Setyembre 15 hanggang 18 sa Ro­binson’s Galleria Mall, Manila.

Ikatlong sunod na pagkakataon na ang Pilipinas ang tatayong host at pipilitin ng mga lahok ng bansa na mapanatili ang titulo sa bansa matapos hiranging kampeon sina Dennis Orcollo at Reyes sa 2009 at 2010 edisyon.

May 96 players mula sa 30 bansa ang balak na iimbitahan para lumahok sa taong ito.

Show comments