MANILA, Philippines - Magkasabay na dumating noong Linggo ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport ang Philippine Azkals at ang Al-Azraq ng Kuwait para sa second leg sa second round ng 2014 FIFA World Cup Qualifiers.
Muling magtatagpo ang Azkals at ang Al-Azraq sa Huwebes ng alas-7 ng gabi sa Rizal Memorial Football Stadium sa Vito Cruz, Manila.
Tinalo ng Al-Azraq ang Azkals, 3-0, sa first leg noong Sabado ng gabi kung saan bumigay ang depensa ng Azkals sa second half na siyang sinamantala ng mga Kuwaitis patungo sa kanilang tagumpay.
“The game is not over, it’s only the halftime,” wika ni Fil-Briton goal keeper Neil Etheridge sa second leg sa Huwebes. “I think we’ve taken big strides and big steps in football for the Philippines, and we need to give ourselves a pat in the back.”
“Siyempre disappointed kami pero we have one more game so sana manalo tayo sa next game. Bilog ang bola... so who knows,” dagdag naman ni striker Phil Younghusband.
Sa Huwebes ay inaasahan nang makikita sa aksyon sina team captain Aly Borromeo at midfielder Stephan Schrock na nasuspinde mula sa nalasap na yellow cards sa 5-1 pananaig ng Azkals sa Brave Reds ng Sri Lanka sa first round.
Ayon kay German coach Michael Weiss, malaki ang naging epekto ng pag-upo nina Borromeo at Schrock sa first leg laban sa Al-Azraq.
“I think that will give us a big boost,” sabi ni Weiss sa muling paglalaro nina Borromeo at Schrock sa Azkals. “That (the suspensions) was one of the major reasons why we did not get a better result.”
Bago pa man buksan ang bentahan ng tiket para sa second leg sa pagitan ng Azkals at Al-Azraq ay naubos na ang mga tiket, ayon sa Philippine Football Federation (PFF).
Sa Rizal Memorial Football Stadium dinomina ng Azkals ang Brave Reds, 4-0, sa second leg makaraan ang 1-1 draw sa first leg sa Colombo, Sri Lanka.