MANILA, Philippines - Bagamat malayo ang kanilang agwat sa bigating Al-Azraq ng Kuwait pagdating sa FIFA world rankings, may nasilip namang kahinaan sa kanilang kalaban ang Philippine Azkals.
Ito ay kanilang nadiskubre sa pagkatalo ng Kuwait sa Uzbekistan na masugid na pinanood ng Azkals kasama si German head coach Michael Weiss para sa kanilang two-leg series sa second round ng 2014 FIFA World Cup Asian Qualifiers.
“Nakita na namin na may ilang weakness. Kailangan lang talagang paghirapan,” sabi ni Filipino striker Ian Araneta sa Al-Azraq.
Nakatakdang sagupain ng Azkals ang Al-Azraq ngayong gabi Qadsia Club Stadium sa Hawally sa Kuwait para sa kanilang ‘away match’ bago umuwi sa Pilipinas para sa ‘home game’ sa Hulyo 28 sa Rizal Memorial Football Stadium.
Ang Azkals ay pang 159th ranked sa FIFA world rankings kumpara sa pagiging No. 102 ng Al-Azraq.
Para sa kanilang preparasyon, nagtungo ang Azkals sa Bahrain para sa kanilang dalawang friendly matches laban sa Under-23 Olympic team ng Bahrain na tumalo sa kanila, 2-1 at 3-1.
Kaugnay nito, tuluyan nang hindi makakalaro sina team captain Aly Borromeo at midfielder Stephan Schrock matapos ibasura ng FIFA ang apela ng Philippine Football Federation (PFF) para bawiin ang natanggap nilang yellow cards sa 5-1 panalo ng Azkals sa Brave Reds ng Sri Lanka sa first round.
“We are underdogs in many aspects, but the team members are on their top form, and we will strive to defy the odds,” sabi ni Weiss sa FIFA.com.
Sina Araneta, Chieffy Caligdong, Neil Etheridge, Angel Gyuirado at ang magkapatid na Phil at James Younghusband ang muling aasahan ng Azkals laban sa Al-Azraq.
Samantala, kumpiyansa naman si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia sa tsansa ng Azkals laban sa Al-Azraq.
“We’ve seen upsets in football. We’ve seen instances where the stronger team loses to the weaker team. Bilog ang bola,” ani ng PSC chief.