MANILA, Philippines - Nagsalpak ang Talk ‘N Text ng 16-of-32 shooting sa three-point range patungo sa 103-85 paggupo sa Alaska sa pagsisimula ng semifinal round ng 2011 PBA Governors Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Tumipa si Larry Fonacier ng 21 points, tampok rito ang 3-of-5 clip sa 3-point line para pangunahan ang Tropang Texters, nasa kanilang three-game winning streak ngayon, laban sa Aces na kanilang tinalo, 101-75, sa elimination round noong Hunyo 15.
May 7-2 kartada ngayon ang Talk ‘N Text kasunod ang Petron Blaze (5-3), Barangay Ginebra (5-3), Alaska (5-4), Rain or Shine (4-4) at B-Meg (4-4).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Llamados at ang Elasto Painters habang isinusulat ito.
“We shot very well from the outside and they did not have Cyrus Baguio,” sabi ni coach Chot Reyes, nakahugot ng 20 points kay Ryan Reyes kasama ang kanyang 6-of-8 shooting sa 3-point range. “It’s hard to beat a team that shoots 50 percent from the field.”
Si Baguio ay nagkaroon ng knee injury, habang nabasag naman ang ilong ni Ranidel De Ocampo nang mabangga si Gilbert Lao sa ensayo ng Talk ‘N Text noong Huwebes.
Mula sa lamang sa halftime, umarangkada ang Tropang Texters sa third period sa likod ng kanilang 24-point lead, 83-59, sa 2:57 nito patungo sa 101-81 pagbaon sa Aces sa huling 4:01 ng fourth quarter.
Talk N Text 103 - Fonacier 21, Reyes 20, Reynolds 18, Williams 12, Castro 9, Alapag 9, Peek 7, Carey 4, Aban 3, Yee 0, Dillinger 0, Alvarez 0, Lao 0.
Alaska 85 - Forte 22, Tenorio 16, Thoss 14, Custodio 10, Dela Cruz 10, Reyes 6, Gonzales 6, Eman 1, Borboran 0, Dimaunahan 0, Cablay 0.
Quarters: 27-28, 53-44, 86-65, 103-85