MANILA, Philippines - Maipagpatuloy ang pagdodomina sa liga ang hanap uli ng nagdedepensang San Beda College sa 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Matapos ilampaso ng 25 puntos average ang tatlong naunang kinalaban, paborito muli ang Red Lions na makuha ang ikaapat na sunod na panalo sa pagharap sa College of St. Benilde sa tampok na laro sa alas-4 ng hapon matapos saksihan ang bakbakan sa pagitan ng Jose Rizal University at Mapua Cardinals sa alas-2.
“My guest is that the Blazers will zone us. I will try to give them different looks for this game,” wika ni Lions coach Frankie Lim na kung mananalo ay sasaluhan uli ang pahingang San Sebastian sa liderato sa 10 koponang liga.
Hindi naman puwede biruin ang Blazers na nakuha ang mahalagang unang panalo nang malusutan ang Cardinal, 70-67, sa huling laro.
“The players were determined to end our slump. This is a good morale booster for us as we face San Beda. We’re not that talented but if we will play with our hearts out, it may make the difference,” pahayag naman ni Blazers coach Richard Del Rosario.
Hanap naman ng Heavy Bombers na madugtungan ang 76-60 tagumpay sa Emilio Aguinaldo College na tumapos rin sa dalawang dikit na kabiguan.
Sa kanilang depensa uli aasa si coach Vergel Meneses para mapaganda pa ang puwesto ng Bombers sa team standings.
Ang depensa nga ng koponan ay nakitaan ng paghirit ng 30 errors sa Generals na nagresulta naman sa 32 turnover points.
Pihadong pupukpok ang Cardinals matapos ang tatlong laro ay hindi pa rin nakakatikim ng panalo para masira ang taguring dark horse sa liga.