Soriano papatawan ni Jao ng suspension

MANILA, Philippines - Balak ni UAAP commissioner Andy Jao na pa­tawan ng suspension si referee Amado Soriano bunga ng masamang ginawa sa pagkikita ng Ateneo at karibal na La Salle nitong Sabado sa Big Dome.

Hindi nagustuhan ni Jao ang mga judgement na ginawa nito sa laro dahilan upang magbalak ito na suspindihin ang referee hanggang sa matapos ang first round.

Nanalo ang Eagles sa Archers, 81-72 at ang dalawang koponan ay hindi naman naghain ng reklamo dahil sa tawagan.

 Pero matapos rebisahin ang tape ng laban, nakita ni Jao ang mga masasamang pito ni Soriano kaya’t nag­desisyon na siyang gumawa ng sariling hakbang.

 Susulat nga si Jao kay referee supervisor Romy Guevarra at sa UAAP board sa kanilang magiging desis­yon at hahayaan ang mga ito kung papatusin o hindi ang kanyang rekomendasyon na suspension.

Kikilos at kikilos si Jao sa mga makikitang pagkakamali ng mga referee sa bawat laro para matupad ang hangarin niyang maayos na tawagan sa liga.

Show comments