Ang halaga ni Forte

Kahit paano’y nakakabilib rin ang Alaska Milk na nagtapos na may 5-3 record sa eight-game elimination round ng 2011 PBA Governors Cup matapos na mau­ngusan ang Barangay Ginebra, 83-79, noong Sa­bado.

Kasi nga’y hindi na kasama ng Aces si Joe Calvin Devance na ipinamigay nila sa Air 21 Express bago nagsimula ang torneo kapalit ni Jay-R Reyes. Si Devance ay ipinamigay rin ng Express sa B-Meg kapalit naman nina Jondan Salvador at Niño Canaleta.

Hindi naman basta-basta si Devance, ano? Katunayan, isa ito sa contenders para sa Most Valuable Player award. Kung nasa Alaska Milk pa si Devance ay kasama nito sa starting unit sina LA Tenorio, Cyrus Baguio, Joaquim Thoss at import Jason Forte.

Sa halip, ang pumalit kay Devance sa starting unit ni coach Tim Cone ay si Wesley Gonzales na nakuha rin ng Aces buhat sa Air21 kapalit naman ni Elmer Es­piritu.

Masagwa ang naging umpisa ng Aces sa torneo dahil sa tinambakan sila ng Talk ‘N Text, 75-101.

Pero siyempre, umpisa pa lang iyon at kinakapa pa ni Cone ang kanyang mga kumbinasyon. Bukod sa Talk ‘N Text, natalo rin ang Aces sa Meralco (81-78) at sa Petron Blaze (82-81). Sa tatlong teams na tumalo sa Alaska Milk, ang Meralco ay hindi nakarating sa six-team semifinal round.

At nasa second place nga ang Aces katabla ang Boosters sa record na 5-3. Impressive iyon considering na nawala nga si Devance sa kanila.

Ibig lang sabihin nito ay naka-move on na ang Aces. Nakalimutan na nila si Devance at integrated na sa kanilang sistema sina Gonzales at Reyes. At dahil pasok na sila sa semis at maganda ang kanilang win-lost record, ibig sabihin ay puwede na silang mangarap uli na makarating sa finals.

Actually, apat sa anim na semifinals ang may limang panalo. Ang matatalo sa sagupaan ng Barangay Gienrba at Rain or Shine (na kapwa may 4-3) record lang ang maiiwan sa apat na panalo. So, dikit-dikit pa rin sila sa semis.

Kung tutuusin, may kalamangang bahagya sa im­port ang Alaska Milk dahil sa 6-foot-4 si Forte, samantalang ang import ng Talk ‘N Text, Petron, B-Meg at Ginebra ay 6’2 lang. Ang tanging kapeso ni Forte ay ang 6’4 na si Arizona Reid ng Rain or Shine.

So, hindi guwardiya ang mga imports ng Aces at Elasto Painters. nasa frontline ang mga ito. Kaya may bentahe sila kontra sa makakaharap nila buhat sa ibang teams.

Kaya naman hindi na-miss ng Aces gaano si Devance. Nandiyan si Forte, eh. Kung mami-miss ng Alaska Milk si Devance, ito ay sa Philippine Cup kung saan walang import.

Kaya naman, okay lang sa Alaska ngayong Go­vernors Cup na mawala si Devance. Reremedyuhan na lang ito ng Aces sa darating na amateur draft kung saan halos lahat ng miyembro ng Smart Gilas Pilipinas ay lalahok. Tiyak na makakakuha ang Aces ng mahusay na kapalit ni Devance.

Sa ngayon, si Forte na muna ang kanilang sasandalan.

At ipinakikita nga ni Forte na puwede siyang gu­­mawa ng malaking diperensya sa torneong ito. Kum­baga’y effective naman talaga siya depensa sa koponang pinaglalaruan niya. Dati kasi ay sa Air 21 siya naglaro subalit hindi niya ito gaanong natulungan.

Eh, swak na swak siya sa scheme of things ni Cone bilang kapalit ni Devance. So, effective si For­te.

Sa semis, tiyak na si Forte ang pilit na pipigilan ng ibang teams upang maharangan ang Alaska.

Siyempre, si Cone na ang bahalang dumiskarte.

Show comments