MANILA, Philippines - Makakasama ng Smart Gilas Pilipinas si Talk N' Text forward Ranidel de Ocampo para sa paghahanda sa darating na FIBA-Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 15-25 sa Wuhan, China.
"We have been looking for a long time for a player like him (de Ocampo) because we're thinking he can help us inside, give as an aggressive player on the power forward position, a good rebounder and someone who can shoot the ball," wika ni coach Rajko Toroman kay De Ocampo.
Makakasama ng Nationals sina De Ocampo, Kelly Williams at Jimmy Alapag pagkatapos ng kampanya ng Talk N' Text sa kasalukuyang 2011 PBA Governors Cup bago sila makasama sa ensayo sa Agosto.
Posibleng mapabilang ang tatlong Tropang Texters sa isang international meet na sasalihan ng Smart Gilas bago sumabak sa FIBA-Asia Men's Championships kung saan ang magkakampeon ang kakatawan sa Asya sa 2012 London Olympics.
Maaari ring maglaro na sina De Ocampo, Williams at Alapag para sa Smart Gilas sa tune-up game nito sa NBA selection sa Hulyo 24 sa Araneta Coliseum.