Tanauan, ILLAM kampeon sa Aspac

Manila, Philippines - Iwinagayway ang watawat ng Pilipinas sa loob ng Rizal Memorial Baseball Field nang hiranging kampeon ang Tanauan at ILLAM sa pagtatapos ng Asia Pacific Senior’s at Big League Championships kahapon.

Napanatili ng Tanauan ang bangis ng paglalaro laban sa Indonesia tungo sa 10-0 shutout panalo habang lumutang uli ang hitting, pitching at magandang depensa ng ILLAM para sa 7-1 panalo sa CNMI

Ang panalo ay nagresulta upang katawanin ng koponan mula Batangas ang rehiyon sa World Series sa Bangor, Maine mula August 14- 20 habang ang ILLAM ay tutungo sa Easley, South Carolina mula Hulyo 27 hanggang Agosto 3 para sa 16-18 World Series.

Si Melvin Rosita ay nag­bigay lamang ng tatlong hits sa walang palitang pag­pukol habang ang mga batters na si Christian Mercado ay nagpasok ng apat na runs at dala­wa naman ang inako ni Mar­vin Macayanan upang katampukan ang 14 hits na ginawa laban sa dalawang Indonesian pitchers.

“Dalawang regulated wins ang nakuha na namin sa Indonesia kaya isa sa ipinaalala ko sa kanila ay huwag maging over-confident. Maganda naman ang tugon nila dahil andoon ang hitting at pitching at nagtulungan sila,” wika ni Tanauan coach Chito Mercado na unang humirit ng 15-1 at 11-0 tagumpay sa Indonesia sa eliminasyon.

Si Tsuyoshi Horibata ay pumukol sa loob ng pitong innings at mayroong pitong hits at isang runs para mangi­babaw sa mga pitchers ng CNMI.

Ang inakalang dikit na laro dahil sa 1-1 karta ng dalawang koponan sa eli­mi­nasyon ay hindi nangyari dahil inulan ng 10 hits at napasukan pa ng pito ang relief pitcher ng CNMI na si Joseph Palacios, kasama nga ang tatlong runs sa unang inning na nagbigay agad ng momentum sa home team.

Si Charles Catangui ay humirit ng double sa left field sa isang loaded bases upang makaiskor sina Leandro Banzon at Mark Ong na tumungtong sa dalawang sunod na base on balls mula sa starter na si Macgratte Duenas.

Si Vincent Ching na humirit ng unang hit kay Palacios ang naghatid ng ikatlong run ng ILLAM sa isang pass ball.

Show comments