Corteza, 2 pa umabante sa Last 32

MANILA, Philippines - Tumumbok agad ng mga panalo sina Lee Van Corteza, Carlo Biado at Vicenancio Tanio sa pag­sisimula ng knockout sta­ge ng 2011 World 9-Ball Championship kahapon sa Al Sadd Sports Club, Doha, Qatar.

Si Corteza na lumusot mula sa loser’s bracket ng Group L ay nanaig sa kababayang si Oliver Medenilla, 11-5, sa unang laro sa Last 64.

Si Biado na nakaabante mula sa winner’s bracket sa Group D ay pinagpahinga naman si Takhti Zarekani ng Iran, 11-6, habang si Tanio na mula rin sa one-loss side ay pinagpahinga si Nick van den Berg ng Netherlands, 11-7.

Magtatapat naman sina Corteza at Biado sa Last 32 upang madetermina kung sino sa kanila ang mananatiling palaban sa $36,000 unang gantimpala sa torneo.

Umabot sa 16 Filipino cue-artist ang nasa Last 64 at ang mga nakahabol mula sa one-loss side ay sina 2006 Doha Asian Ga­mes gold medalist Antonio Gabica, Roberto Gomez, dating double world champion Ronato Alcano, Caneda Villamor, Joven Alba, Israel Rota at Raymond Faraon.

Nanalo si Gabica kay Fu Jian-bo ng China, 9-8, sa Group B; si Villamor ay nanaig kay Lee Gun Kae ng Korea, 9-7, sa Group D, dinomina ni Gomez si Christian Tuvi ng Uruguan, 9-4, sa Group E; wagi si Tanio kay Lee Chen Man ng Hong Kong, 9-4, sa Group I, dinurog ni Alba si Sundeep Gulat ng India, 9-4, sa Group J, dominado ni Rota si Bader Al Awadi ng Kuwait, 9-8, sa Group K; pinatalsik ni Faron si Mohamad Al Hazmi ng Saudi Arabia, 9-3, sa Group M at si Alcano ay inilampaso si Nguyen Phuo Long ng Vietnam, 9-1, sa Group M.

Nakasama naman ni Biado na nakapasok mula sa winner’s group sina Efren Reyes, Francisco Bustamante, Dennis Orcollo, Jeff De Luna, Allan Cuartero at Antonio Lining.

Magbubukas naman ng pagdepensa sa hawak na titulo si Bustamante laban kay Sascha-Andrej Tege ng Germany.

Show comments