MANILA, Philippines - Isang magandang balita para sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Maaari nang maglaro si naturalized player Marcus Douthit sa Smart-Gilas Pilipinas ng SBP matapos payagan ng International Basketball Federation (FIBA).
Nangangahulugan na puwede nang sumabak ang 2004 NBA draftee ng Los Angeles Lakers sa mga FIBA tournaments, kasama na rito ang kasalukuyang 9th Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Men’s Championship sa Jakarta, Indonesia.
“I’m glad to hear that. Now, I can really focus on helping the team without distractions,” wika ng 6-foot-11 at 31-anyos na si Douthit.
Ang sulat ay nanggaling kay FIBA Sport and Eligibility Committee chief Ivanka Toteva, ayon kay SBP executive director Renauld ‘Sonny’ Barrios.
Sa kanyang liham sa SBP, kinumpirma ni Toteva ang pagiging eligible ni Douthit na maglaro para sa Smart-Gilas.
Ang tubong Syracuse, New York na si Douthit ay hinugot ni Serbian coach Rajko Toroman para makatulong sa kampanya ng Nationals sa 2012 London Olympics sa pamamagitan ng pagwawagi sa darating na FIBA-Asia Men’s Championship sa Wuhan, China sa Setyembre.