MANILA, Philippines - Nagbunga muli ng maganda ang tambalan nina Filipino junior netter Jeson Patrombon at Jaden Grinter ng New Zealand matapos nilang talunin sina Kimmer Coppejans ng Belguim at Filip Peliwo ng Canada, 6-2, 7-6(8-6), sa pagbubukas ng boy’s doubles ng AEGON Junior International-Roehampton sa Great Britian.
Gumanda na ang laro ni Patrombon at nakipagtambal kay Grinter sa mahalagang tie-break sa second set para manalo at makaabante na sa round of 16 laban kina Sean Berman ng USA at Jason Kubler ng Australia.
Sina Berman at Kubler ay pinagpahinga ang mga Briton wildcards na sina Jonathan Cornish at Evan Hoyt, 6-2, 6-4.
Masaya rin si coach Manny Tecson at lumalabas na ang laro ni Patrombon matapos mangapa sa porma sa pagsisimula ng boy’s singles na kung saan nasibak siya sa unang asignatura laban kay Russian qualifier Evgeny Karlovskiy, 5-7, 5-7.
“Because of the improving weather, Jeson was able to practice well and he is now starting to feel more comfortable playing in the grass court,” ani Tecson.
Ang panalo sa doubles ay nagbigay ng puntos kay Patrombon sa juniors ranking at higit dito ay karagdagang laro para mas makondisyon patungo sa mas mahalagang Junior Wimbledon na papalo na sa susunod na linggo.