MANILA, Philippines - Nakatakdang ipamahagi bukas ng Philippine Sports Commission (PSC) ang cash incentives para sa second batch ng mga coaches at trainers na gumiya sa kanilang mga atleta sa tagumpay sa Olympic Games, Asian Games, Southeast Asian Games at World Championships.
Ito ay magaganap sa Athletes’ Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila ganap na alas-2:30 ng hapon, ayon kay PSC chairman Richie Garcia.
Sa 21 coaches at trainers, ang pinakapopular ay si Sen. Vicente Sotto III ng bowling na tatanggap ng halagang P1,533,333.32 mula sa paggiya kay Bong Coo sa gold medal sa mga sinalihan nitong Asian Games.
Nagreyna si Coo ng isang beses sa Masters at dalawang ulit sa Individual All-Events sa Asiad. Nagwagi rin siya ng ginto sa team event sa 1978 Asian Games sa Bangkok at sa Seoul noong 1986.
Ang bawat individual gold sa Asian Game ay nagkakahalaga ng P1 milyon sa ilalim ng Republic Act 9064, habang P500,000 sa silver at P200,000 sa bronze.
Nauna nang sinabi ng 62-anyos na si Sotto, isang musician, host, commediane at golfer, na ibibigay niya ang kanyang makukuhang cash incentives para sa programa sa junior bowlers.
Ang iba pang tatanggap ng insentibo sa bowling ay sina Alfonso Dela Rosa, Jr. (P1,883,333.32), Ernesto Lopa (P1,645,833.33), Teresita V. Nepomuceno (P745,833.33), Jaime Hizon (P708,333.34), Dalisay M. Cerdeña (P375,000.00).
Si Asia’s Sprint Queen’ Lydia De Vega-Mercado ng athletics ay makakakuha ng P437,500.00 para sa kanyang namayapang father/trainer na si Tatang De Vega.