Coseteng kakasuhan si Genuino sa Ombudsman

MANILA, Philippines - Sasampahan ng kaso ni dating Senator Nikki Coseteng ang dating chairman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na si Ephraim Genuino bukas sa Office of the Ombudsman.

Isusumite ni Coseteng ang demanda laban kay Genuino, isang appointee ni dating Pangulong Glo­ria Macapagal-Arroyo, matapos ipagkaloob nito ang direktang financial assistance na P30 million sa Philippine Aquatic Sports Association (PASA).

Ito, ayon kay Coseteng, na dapat para sa apat na taong programa ng PASA bilang preparasyon sa 20­12 London Olympics.

Ang donasyon ay hindi dumaan sa Philippine Sports Commission (PSC) na siyang dapat na tamang proseso.

Ang pondo ay nawawala at walang accounting na nangyari at kasama ng pondo ng PASA mula sa taong 2004 hanggang ka­salukuyan na hindi pa naaayos sa tamang awtori­dad tulad ng PSC, Commission on Audit (COA), at ang Securities and Ex­change Commission (SEC).

Ang PAGCOR assis­tance ay naging pambansang isyu nang ang mga pangulo ng 45 cash-strapped national sports associations (NSAs) ay naramdaman na ang direktang-ayuda na nangyari sa unang pagkakataon sa larangan ng Philippine sports ay di-patas.

Taong 2009 nang ang grupo ng PASA at non-PASA members ay pormal na humiling sa Commission on Audit para sa: “detailed COA audit of all the funds remitted directly by PAGCOR to PASA/Mark Joseph without being coursed through the Philippine Sports Commission (PSC).”

Ang kahilingan hanggang sa ngayon ay di panagagarantiyahan.

Si Philippine Swimming League (PSL) President Susan Papa at mga magulang ng bagitong Filipino swim­mers ay sasama kay Coseteng para sa pagsa­sampa ng kaso.

Ang PSL ay inilunsad para makadiskubre, ma-train at maka-develop ng swimmers mula sa grassroots level, ang programang wala sa PASA.

Ang PASA, na siyang na­tional sports association (NSA) para sa swimming ay nalalambungan ng mga kontrobersiya at pina-iim­bestigahan na ngayong taon ng House Committee on Sports nang eksplosibong pinasabog ni Coseteng ang alegasyon laban sa asosasyon, partikular na kay PASA head Mark Joseph.

Sa isa sa mga hea­rings, ikinasa ng dating Se­nator ang mga isyu kay Joseph ang hinggil sa umano'y korapsyon, favoritism, diskriminasyon at batas na bakal. Sumiklab ang damda­min ng dating mambabatas hinggil sa kalagayan ng mga Filipino swimmers sa ilalim ng PASA dahil sa katotohanang ang Philippine Team ay hindi nakakakopo ng anumang medalya mula 1986 hanggang 1994 at mula 2002 hanggang 2010.

Ang bansa ay nagkaroon lang ng 2-medalya sa 24-na taong partisipasyon sa Asian Games. Ang da­l­awang medalya ay nahugot noong taong 1998 ni Ryan Papa.

Show comments