MANILA, Philippines - Kanya-kanya na ng pagkuha ng mga foreign coaches ang mga National Sports Associations (NSA) para mapalakas ang paghahangad na tagumpay sa 26th SEA Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Ang wushu ay nabigyan na uli ng Chinese coaches sa taolo at sanshou habang humingi na rin ang fencing, rowing at triathlon upang silang magsanay sa pambansang manlalaro na ilalaban sa kompetisyong gagawin sa Palembang at Jakarta.
Si Dan Brown ang hinugot ng triathlon habang si Rolandas Kazlauskas ng Lithuania at Zhang li Jun ng China ang pinili ng rowing at fencing.
Hindi naman kasama ang triathlon sa SEA Games pero binigyan na rin sila lalo nga’t naghahanda angmga triathletes sa paglahok sa Asian Championships sa Chinese Taipei mula Setyembre 24 at 25.
Si Kazlauskas ay dating coach na ng rowing at siyang tumulong humubog sa Olympian na si Benjie Tolentino. Babayaran si Kazlauska ng US$2,500 sa loob ng anim na buwan na pamamalagi sa bansa.
Si Zhang ang mangangasiwa sa epee fencers at tatanggap ng $1,500 buwang allowance.
Ikalawang Chinese coach din ito ng fencing matapos kunin si Wang Qing na siyang magsasanay sa saber team.
Si Brown ay tatanggap ng $2,000 bukod pa sa P15,000 pabahay at P10,000 food allowances kada buwan.
Ang iba pang NSAs na may foreign coaches ay ang football at basketball sa katauhan nina Hans Michael Weiss ng Germany at Rajko Toroman ng Serbia. Ang mga ito ay sumusuweldo naman mula sa kanilang NSAs.