CANOSTOTA--Isang 43-anyos na dating kampeon sa light flyweight division ang nagpahayag ng paniniwalang mapapatulog ang Pambansang kamao na si Manny Pacquiao.
Si Michael Carbajal na noong kanyang kapanahunan ay kampeon sa WBC, IBF at WBO ang nagsabing kaya niyang talunin si Pacquiao na siyang kinikilala ngayon bilang pound for pound king at kauna-unahang boksingero na nanalo na walong magkakaibang titulo.
“Yeah, I would’ve knocked Pacquiao out,” wika ni Carbajal na ngayon ay edad 43-anyos na.
Si Carbajal ay tinawag na “Little Hands of Stone dahil sa kanyang lakas at ang pag-iidolo kay Roberto Duran na siyang tinawag na “Hands of Stone”.
Apat na taong nagdomina si Carbajal sa 108-pound division at nagretiro noong 1999 ng talunin si Jorge Arce para sa WBO title. Si Pacquiao noong mga kapanahunang iyon ay hari naman ng WBC flyweight pero hindi nangyari ang pagkikita ng dalawa dahil nga sa pagreretiro ni Pacquiao.
“I remember Pacquiao was a light flyweight when he turned pro. Even when he fought as a lightweight, I think (Roberto) Duran would’ve knocked him out,” dugtong pa nito.
Hindi naman nasabi ni Carbajal kung paano niya gagawin ito dahil nakainom ito nang inihayag ang bagay na ito.
Sa International Boxing Hall of Fame induction ceremonies sa New York noong nakaraang linggo nakita si Carbajal at sinasabing panay ang inom nito sa tinutuluyang Days Inn Hotel.
Hindi magara ang buhay ngayon ni Carbajal dahil itinakbo umano ng kanyang kapatid ang kinita sa pagbo-boxing.
Si Danny na 16-anyos ang edad kay Michael ang umaktong trainer nito at sinasabing pumalo sa $7 milyon ang kinita nito mula 1989 hanggang 1999 pero wala siyang nahahawakan ngayon dahil itinakbo umano ito ng kanyang kapatid.
“He took all my money. Now, I’m broke,” wika pa ni Carbajal.