MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Federal magistrate Judge Robert Johnston kay Floyd Mayweather, Jr. na magbigay ng testimonya nito kaugnay sa isinampang defamation case ni Manny Pacquiao sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaang idinemanda ni Pacquiao si Mayweather dahil sa alegasyon nitong gumagamit ang Filipino world eight-division champion ng performance-enhancing drugs (PEDs) sa kanyang mga laban.
Nauna nang iniurong ni Pacquiao ang kanyang demanda kina Golden Boy Promotions president Oscar Dela Hoya at Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer matapos humingi ng public apology ang dalawa.
Hindi naman ibinunyag ng legal counsel ng Sarangani Congressman na si Daniel Petrocelli kung may sangkot na pera ukol sa pagpapatawad niya kina Dela Hoya at Schaefer.
Kamakalawa ay hindi tinanggap ni Johnston ang isang emergency motion ni Mayweather. Sinabi ng American six-time titlist na kasalukuyan siyang nagha-handa para sa kanilang laban ni Victor Ortiz na nakatakda sa Setyembre 17.
Nahaharap rin si Mayweather sa felony charges mula sa isang domestic argument at misdemeanor harassment at battery charges.
Bukod kay Mayweather, sinampahan rin ng kaso ni Pacquiao ang ama nitong si Floyd, Sr. at tiyuhing si Roger.