MANILA, Philippines - Optimistiko pa si coach Luigi Trillo na maihihirit pa ang PBA D-League Foundation Cup Finals sa isang rubbermatch.
Pero para maitabla ang best-of-three series sa Game Two ngayon na gagawin ganap na alas-3 ng hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City, kailangang magtrabaho nang husto ang kanyang alagad at ipakita ang larong naglagay sa kanila sa unang puwesto sa Group B.
Tanging si Allein Maliksi lamang ang palaban sa Game One nang umiskor ito ng 21 puntos sa nilasap na 62-74 kabiguan noong Huwebes.
Maliban sa kawalan ng opensa, malamya rin ang depensa ng Gems lalo na sa mga guards ng Road Warriors tulad nina Ronald Pascual, Rogemar Menor, Eric Salamat at John Raymundo.
“I honestly thought that Raymundo, Menor, Pascual and Salamat eat our guards for merienda,” puna ni Trillo sa nangyari sa unang tagisan.
Gagawa naman siya ng adjustments pero dapat din na maging positibo ang pananaw ng kanyang koponan tulad nina Narciso Llagas at ang batang si Kevin Alas na sa unang yugto ng labanan ay mga key players pero sa unang laro sa Finals ay natahimik.
Si Llagas ay mayroon lamang dalawang puntos habang bokya naman si Alas.
“Inaasahan kong mahirap na laban itong susuungin namin dahil malakas ang Gems at tiyak na gagawa sila ng adjustments. Pero magiging handa kami,” wika naman ni Road Warriors coach Boyet Fernandez.
Dahil sa pisikal na laro ay pinagmulta ni league commissioner Chito Salud si Ariel Mepana ng P7,400 dahil sa panununtok sa tiyan kay Calvin Abueva na hindi nakita ng mga referees pero nasilip nang nagsagawa ng review ng tape ng laro ang pamunuan ng liga.
“Mas magiging pisikal ito pero maghahanda kami,” dagdag pa ni Fernandez.