MANILA, Philippines - Naipaghiganti na ni Rey “Boom Boom” Bautista ang kabiguang inabot sa kamay ni Heriberto Ruiz nang kunin ang technical decision panalo sa labang ginanap nitong Sabado sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City.
Tatlong beses na nagkauntugan sina Bautista at Ruiz at sa huling pagkakataon at lumala ang tama ng Filipino boxer sa kanang kilay dahilan upang ipatigil na nI ring physician Jose Unabia ang labanan.
Dahil nasa seventh round na kaya’t dinaan sa scorecard ang resulta ng sagupaan at nakuha ni Bautista ang pulso ng tatlong hurado na sina Bruce McTavish 69-65), Muhamad Rois (68-65) at Rey Danseco (68-65), upang manalo sa sagupaan.
Naunang lumasap ng unanimous decision na kabiguan ang 24-anyos na si Bautista sa kamay ng 33 anyos na si Ruiz noong Nobyembre 22, 2008 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ikinatuwiran ni Bautista na may injury ang kanyang kamay at ipinangakong tatalunin ang Mexicano sa kanilang muling pagharap na siya naman niyang ginawa.
Ang panalo ay ika-31 sa 33 laban ni Bautista at nakuha rin niya ang WBO international featherweight title sa huling tagumpay na ito. Alam din niyang hindi nasiyahan ang kalaban at kahit ang mga nanood ng laban sa resulta ng sagupaan kaya’t ipinaalam din ni Bautista na handa siyang labanan pa sa ikatlong pagkakataon si Ruiz kung nais ng kanyang promoter.
Handog ng ALA Promotions katuwang ang ABS-CBN, ang Pinoy Pride 6 ay muling nakitaan ng mahusay na laban mula sa mga Filipino boxers dahil kumbinsidong panalo naman ang inuukit nina Jason Pagara at Edrin Dapudong sa mga dayuhang nakatapat.
Umabot lamang sa apat na rounds ang laban nina Pagara at Mexican Juan Carlos Gallegos dahil hindi na nakabangon pa ang huli nang tamaan ng uppercut at left hook may 2:59 sa orasan.
Ika-27 panalo sa 28 laban bukod sa 16 KO ang karta na ni Pagara na kinuha rin ang kauna-unahang panalo labansa Mexican. Si Dapudong naman ay may fourth round TKO panalo laban sa Indonesian na si Benja Leomoli tungo sa kanyang ika-22 panalo sa 25 laban.