Manila, Philippines - May usapan na ang ALA Boxing Promotion at ni WBO president Paco Valcarcel para ilaban ang dating minimumweight champion Donnie Nietes sa WBO light flyweight title.
Kampeon sa dibisyon si Ramon Garcia Hirales ng Mexico at puwedeng mangyari ang title fight dahil si Nietes na binitiwan na ang dating titulo, ang number one challenger.
Plano ni Michael Aldeguer na pangulo ng ALA Boxing, na gawin ang title fight sa ikalawang linggo ng buwan ng Agosto.
“We will probable formalize everything in the next few weeks,” wika ni Aldeguer na pinaplantsa na rin ang iba pang bagay tulad ng television coverage ng nasabing laban.
Si Hirales na pinatulog si Jesus Geles ng Colombia noong Abril sa Mexico, ay hawak ni Fernando Beltran na nakipag-ugnayan na rin kay Aldeguer para sa posibleng sagupaan.
Kilalang-kilala si Nietes sa Mexico dahil tatlong title defense niya sa minimumweight division ay ginawa sa nasabing bansa.
May 28-1 karta bukod pa sa 16KO si Nietes habang si Hirales ay mayroong 16-2 kasama ang 9 KO.
Hindi naman magiging madali ang tangkang panalo ngunit hindi malayong maging paborito si Nietes dahil sa malawak na championship experience.