MANILA, Philippines - Naipagpatuloy ng Philippine Dragon Boat Federation (PBDF) ang pagbibigay ng karangalan sa bansa nang manalo ang women’s dragon boat team na ipinadala sa 2011 Taipei International Dragonboat Championships na isinagawa mula Hunyo 4 hanggang 6 sa Dajai Riverside Park, Keelung River, Taipei.
Binubuo ng dating national rowers at mga paddlers na hindi lumipat sa Philippine Canoe-Kayak Federation (PCKF), ang 24-taong delegasyon ay nanguna sa mga pambato ng Chinese-Taipei at Boston, USA sa finals nang maitala ang pinakamabilis na tatlong minuto at 33 segundo sa 500-meter distance.
Halos limang segundo ang inilayo ng koponan sa Chinese-Taipei (3:38), habang ang USA ay naorasan ng 3:47.
Sa nasabing event lamang nakasali ang Pilipinas dahil kulang sila sa pondo matapos alisan ng pagkilala ang PBDF ng Philippine Olympic Committee (POC).
Nagdesisyon ang POC na isama na lamang ang dragon boat sa pamamahala ng PCKF base sa isang alituntunin ng IOC na nagsasaad na ang sport na ito ay discipline lamang ng canoe-kayak.
“Naging hamon sa mga rowers ang nangyari kaya’t determinado talaga sila na manalo at bigyan pa rin ng karangalan ang Pilipinas,” wika ng pangulo ng PBDF na si Marcia Cristobal.
Ito ang ikasiyam na sunod na taon na nakasali ang bansa sa nasabing torneo at ikalimang gintong medalya ang naihatid ng women’s team na nakalaro dala ng tulong mula kina Manila Economic Cultural Organization (MECO) chairman Amadeo Perez Jr., Ambassador Antonio Basilio at Manila Mayor Alfredo Lim.