MANILA, Philippines - Bukod sa darating na 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre, kailangan ring tutukan ng mga National Sports Associations (NSAs) ang Olympic Games sa London sa 2012.
Ito ang payo ni Philippine Olympic Committee (POC) first vice-president Manny T. Lopez sa pangulo ng mga NSAs na naghahangad na makapaglahok ng atleta para sa 2012 London Olympics.
“We should focus on the Olympics qualifying process because no Olympic dream will become a reality unless we hurdle the first step, which is the qualifying system,” sabi kahapon ni Lopez.
Si Lopez, dating presidente ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ang iniluklok ni POC chief Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. bilang Chef De Mission ng Team Philippines sa 2012 Olympic Games.
Mula nang lumahok ang bansa sa Olympic Games noong 1928 ay wala pang gintong medalyang naiuuwi ang isang Filipino athlete.
Ang pinakamalapit ay ang silver medal ni light flyweight Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr. noong 1996 sa Atlanta, Georgia matapos ang bronze medal ni featherweight Anthony Villanueva noong 1964 sa Tokyo, Japan.
Sa nakaraang Olympic Games sa Beijing, China noong 2008, kinatawan ang bansa nina swimmers Miguel Molina, Christel Simms, James Walsh, Daniel Coakley at Ryan Arabejo, boxer Harry Tanamor, divers Shiela Mae Perez at Ryan Fabriga, archer Mark Javier, long jumpers Marestella Torres at Henry Dagmil, weightlifter Hidilyn Diaz, taekwondo jins Marie Antoinette Rivero at Tshomlee Go at shooter Eric Ang.