Sa unang salang pa lamang ng Game 4 kahapon ng NBA ay walang duda kung sino ang bumabalikat sa Dallas laban sa Miami Heats.
Tinapos ni Dirk Nowitzki ang kanyang sinimulan noong Game 3. Tumira agad ng unang anim na puntos si Nowitzki upang painitin ang Maverics. Kahit na hirap sa una, umalpas pa rin ang Mavericks sa huling 10 minuto para sa 86-83 na panalo.
Umiskor si Nowitzki, naglaro ng may trangkaso, ng 10 sa kanyang 24 puntos sa fourth quarter.
Kahit pa nga hindi gaanong maganda ang fieldgoal sa 1-for-11, ratsada pa rin ang Miami upang itabla ang laro.
Nasayang ang magandang inilaro ni Dwayne Wade na may 32 points 6 rebounds, 2 assists, 2 steals at 2 blocks.
Maghaharap muli ang Heat at Mavs sa Game 5 sa Biyernes.
***
Dapat ba o hindi?
ito ang pinagtatalunan ng mga kaibigan nating sportswriters sa kapalaran ng koponan sa basketball na Smart-Gilas Pilipinas.
May mga opinion kasi na nagsasabing dapat na buwagin na ang Smart-Gilas dahil sa fourth place finish sa FIBA-Asia Champions Cup nitong Linggo matapos matalo ang koponan sa Al-Rayyan ng Qatar.
Ang naturang torneo ay ang una sa serye ng mga kompetisyon na sasalihan ng koponan papunta sa FIBA-Asia meet sa Wuhan, China sa Setyembre na magsisilbing qualifying tournament sa 2012 London Olympic Games
Marami kasi ang nagi-expect na kung hindi man magkampeon ay ang ikalawang puwesto sana ang tutuhugin ng Smart Gilas. Pero dahil na rin sa mas mahirap ang club championship tournament na ang bawat koponan ay may tig-dalawang imports. Ang Smart Gilas ay si naturalized American Marcus Douthit lamang ang import
May mga nagsasabi kasi na tila nasasayang ang ginagasta sa koponan kahit pa si SBP president at business magnate Manny Pangilinan ang gumagastos sa kampanya ng koponan sa Olympics.
Pero sabi nga, hindi ang nakaraang kampeonato ang sukatan ng tunay na kakayahan ng Smart-Gilas. Kumbaga ito ay pasimula pa lamang kaya nga hindi dapat isipin kung idi-disband ito.
Ito ay kahit pa may mga ispekulasyon na kapag pumalya sila sa FIBA-Asia Championships ay sasali ang mga miyembro nito sa PBA Draft sa Agosto.
Sa laro ng bawat player sa Smart-Gilas, damang-dama na talagang gusto nilang ma-achieve ang kanilang goal na makapasok sa Olympics at gusto nilang manalo ng medalya para sa bansa.
Pagkatapos ng Champions Cup ay tutungo naman sa Indonesia ang National team para sumabak sa SEABA Championships ngayong buwan, pupunta sa Turkey at Portugal sa Hulyo at sa Jones Cup sa Taipei sa Agosto bago tuluyang lalaro sa Wuhan, China para sa FIBA-Asia Championships sa Setyembre.