Mayweather umagaw na naman ng atensyon

MANILA, Philippines -  Para kay Floyd Mayweather, Jr. hindi si Manny Pacquiao ang pinakamagaling na boksingerong makakaharap niya.

Sa pamamagitan ng Twitter, inihayag ng undefeated six-time world boxing champion ang kanyang mu­ling pag-akyat ng boxing ring sa Setyembre 17.

Mula sa kanyang 16 bu­wan na pamamahinga, sa­sagupain ng 34-anyos na si Mayweather ang 24-anyos na si Victor Ortiz para sa suot nitong World Boxing Council (WBC) welterweight crown.

“I am ready to return to the ring and give my fans a fantastic night of boxing by fighting the best out there for me; that is Victor Ortiz,” ani Mayweather sa isang statement. “At this stage of my career, there are the challenges I look for, a young, strong, rising star looking to make his mark in boxing by beating me.”

“Trust me, I will be ready,” pagtitiyak pa nito.

Dalawang beses nang inatrasan ni Mayweather ang pinaplantsang megafight nila ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.

 At kamakailan ay hindi nito kinagat ang alok na $65 milyon ng isang grupo ng negosyante sa Singapore upang sagupain ang 32-anyos na Sarangani Congressman.

 Nakatakdang idepensa ni Pacquiao, may 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight belt laban kay Mexican Juan Manuel Marquez (52-5-1, 38 KOs) sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Ito ay gagawin sa napagkasunduang catchweight fight sa 144-pounds.

Si Mayweather (41-0-0, 25 KOs) ay hindi pa lumalaban matapos ang kanyang unanimous decision win kay Shane Mosley noong May 1, 2010.

Ang Mexican-American na si Ortiz (29-2-2, 22 KOs) ay nasa isang six-fight winning streak, kasama rito ang panalo kay Andre Berto para sa WBC welterweight title noong Abril.

“I respect Mayweather because he has been a champion for a reason and I am not going to let go of my title any time soon,” sabi ni Ortiz kay Mayweather. “This is going to be a great fight, but I will remain a world champion for many years to come.”

Show comments