MANILA, Philippines - Huling dalawang puwesto sa semifinals ang paglalabanan ngayon ng apat na humihinga pang koponan sa pagtatapos ng PBA D-League Foundation Cup quarterfinals sa The Arena sa San Juan City.
Ang mga outright quarterfinalist na Max! Bond Super Glue at NLEX ang magtatangkang mapangatawanan ang mas mataas na seeding laban sa Blackwater at FCA Cultivators na naabot ang Last eight nang manalo sa first round playoffs.
Kinalos ng Elite ang Junior Powerade, 70-66, habang 65-61 tagumpay naman ang kinuha ng Cultivators sa RnW Pacific Pipes para manatiling buhay sa titulo ng liga.
“Isang panalo lang ang kailangan at abante ka na sa semifinals. Kailangang makitaan kami ng mas magandang laro at sisikapin naming mangyari ito,” wika ni coach Leo Isaac.
Mas beterano ang Sumos na hawak ni coach Alfredo Jarencio at ang bentaheng ito ang siyang pinanghahawakan nito kung bakit mananaig ang koponan kahit matagal-tagal silang hindi nakapaglaro.
“Playoffs na ito at ayaw naming masayang ang naunang pinaghirapan namin kaya handa kami sa larong ito,” wika ni Jarencio.
Sina ABL veterans Jun Jun Cabatu, Rudy Lingganay at Roel Hugnatan ang mamumuno sa koponan bukod pa kina Reil Cervantez at batang gunner ng UST na si Jeric Teng habang itatapat sa kanila ng Elite ang husay nina Gio Ciriacruz, Ian Mazo at Adrian Celada na siyang mga kamador ni Isaac.
Angat din ang talento ng Road Warriors sa Cultivators dahil nasa koponan ni coach Boyet Fernandez sina Eric Salamat, ex-pro Rogemar Menor, at mga matitinik na manlalaro ng San Sebastian na sina Calvin Abueva at Ronald Pascual maliban pa sa mga malalaking Fil-Ams sa pangunguna ni Chris Hodges.
Pero hindi sa papel makikita ang lakas ng Road Warriors kungdi sa laro at walang saysay ang pagiging isa sa paborito sa liga kung matatalo sa laban.
Kaya’t focus sa laro at matibay na depensa ang nais na makita ni Fernandez sa kanyang tropa para mapangatawanan pa rin ang mataas na ekspektasyon sa Road Warriors.