MANILA, Philippines - Madaling babangon ang Smart Gilas Pilipinas matapos mabigo sa asam na medalya sa 22nd FIBA Asia Champions Cup na nagtapos nitong Linggo sa Philsports Arena sa Pasig City.
Gintong medalya ang inaasahang hahablutin ng koponang hawak ni Rajko Toroman dahil ang sunod nilang torneo ay ang 9th SEABA Men’s Championship na gagawin sa Jakarta, Indonesia mula Hunyo 23 hanggang 26.
Apat na koponan lamang ang magtatagisan sa SEABA at ang tatlong mangungunang koponan ay aabante sa FIBA Asia Men’s Championship sa Wuhan, China sa Setyembre. Ang nasabing torneo ay qualifying event din sa London Olympics.
Unang laro ng Gilas ay laban sa Malaysia sa Hunyo 23 bago sundan ng laro laban sa Indonesia at wakasan ang eliminasyon kontra sa Singapore, (Hunyo 25). Ang one game finals ay itinakda sa Hunyo 26.
Natalo ang Gilas sa Al Rayyan ng Qatar sa labanan para sa bronze medal. Bagamat tumapos lamang sa ikaapat na puwesto, nahigitan ng Gilas ang naabot ng San Miguel Beer team sa 2005 Champion’s Cup na nilaro rin sa Pilipinas.
Mangunguna sa Pambansang koponan sa SEA Games si 6’10 Marcus Douthit bukod pa sa mga hiniram sa PBA na sina Paul Asi Taulava at Dondon Hontiveros.
Sina co-team captains Chris Tiu at Mark Barroca, JV Casio, Japeth Aguilar, Mac Baracael, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Dylan Ababou at Jason Ballesteros ang kukumpleto sa 12-manlalaro ng bansa.