MANILA, Philippines - Aminado si trainer Freddie Roach na sa nakaraang 16 laban ni Manny Pacquiao, tanging si Juan Manuel Marquez lamang ang nakapagbigay ng magandang laban sa Filipino world eight-division champion.
“When Manny fought Marquez before, he only got one hand with him the left straight, and he only knew one direction, which is to go forward,” ani Roach.
Ito ang pangatlong pagkakataon na magtatagpo sina Pacquiao at Marquez matapos noong 2004 at 2008.
Sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, isang draw ang naitakas ni Marquez sa kanilang unang pagtatagpo ni Pacquiao noong Mayo ng 2004.
Isang split decision naman ang nasikwat ni Pacquiao sa kanilang rematch noong Hunyo ng 2008 para agawin kay Marquez ang hawak nitong World Boxing Council (WBC) super featherweight crown.
Sa napagkasunduang catchweight fight sa 144-pounds, idedepensa ng 32-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 38-anyos na si Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Roach, kakayanin ni Pacquiao ang pag-akyat ng timbang.