MANILA, Philippines - Upuan sa semifinals ang magpapainit sa ipakikitang laro ng Smart Gilas Pilipinas sa pagbubukas ng knockout quarterfinals ngayon sa 22nd FIBA Asia Champions Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Katunggali ng Gilas ang Al Jala’a-Syria sa alas-6 ng gabi na laro at ang mananalo rito ay papasok sa Last Four ng torneo.
Ang unang sagupaan ay sa pagtian ng Al Riyadi-Lebanon at Duhok-Iraq sa alas-2 ng hapon bago sundan ng Mahram-Iran at Al Itihad-Saudi Arabia dakong alas-4. Ang huling laro dakong alas-8 ng gabi ay sa pagitan ng ASU Jordan at Al Rayyan-Qatar.
Nakuha ng koponang hawak ni Serbian coach Rajko Toroman ang unang puwesto sa Group A nang walisin ang apat nilang laro.
Nagselyo sa magandang ipinakita ng Gilas sa group elimination ay ang 76-74 panalo sa ASU-Jordan nitong Miyerkules ng gabi.
Ang Syria naman ang nalagay sa ikaapat na puwesto sa Group B taglay lamang ang isang panalo sa apat na laro.
Pero hindi maaaring biruin ng Pilipinas ang Syrian team dahil dalawang beses na silang nananalo sa Gilas sa pagtutuos na ginanap sa 2009 Dubai Invitational at sa consolation round ng 2010 Champions Cup sa Doha Qatar.
“We can’t be overconfident against Syria because they are an experience team and has the size advantage,” ani Toroman na ginagamit ang liga bilang bahagi ng paghahanda para sa FIBA Asia Men’s Championship na gagawin sa Setyembre sa Wuhan, China.
Susi para manalo ang home team ay ang magandang team work na naipakita sa unang yugto ng labanan.
Si 6’10 naturalized player Marcus Douthit ang nangunguna sa koponan sa kanyang 13.8 puntos at 10.8 rebounds sa apat na laro.
Pero nag-aambag din ng solidong kontribusyon sina Dondon Hontiveros, Paul Asi Taulava, JV Casio, Chris Tui, Mark Barroca at Mac Baracael kaya’t nakapamayagpag agad ang Gilas.
Ang mananalo sa Pilipinas at Syria ang siyang makakalaban ng mananalo sa Iran at Saudi Arabia sa semifinals.