TAGAYTAY City, Philippines - Nakipag-draw si GM Darwin Laylo kay IM Wei Ming Goh ng Singapore sa seventh round para patuloy na manguna sa 2011 Asian Zone 3.3 chess championships dito sa Tagaytay International Convention Center.
Si Laylo, umaasang makakalaro sa World Cup sa ikatlong pagkakataon matapos maging GM noong 2007, ay may 5.5 points mula sa kanyang 4 wins at 3 draws.
Ang 31-anyos na tubong Lipa City, nagkampeon sa 2009 Asian Zonals sa Vietnam, ay nasa itaas nina Goh, GM Mark Paragua, top seed GM Zhang Zhong ng Singapore at GM Susanto Megaranto ng Indonesia sa natitirang dalawang rounds.
“I’ll have to play a little more cautiously now, but I’ll go for the win if there’s an opportunity in the final two rounds,” wika ni Laylo.
Nakipag-draw rin si Paragua kay Megaranto, habang tinalo ni Zhang si Asia’s first GM Eugene Torre para sa kanyang 5.0 points.
Iginupo naman ni IM Oliver Barbosa si IM Oliver Dimakiling at giniba ni iM Richard Bitoon si Hakiki kaisar ng Indonesia para sa kanilang tig-4.5 points.
Sa women’s division, hiniya ni WIM Beverly Mendoza si Victoria Wei Chan ng Singapore, habang naghati rin sa puntos sina Jan Jodilyn Fronda at Jedara Docena sa all-Filipina match upang makatabla para sa 11th hanggang 16th places taglay ang 4 puntos.
Sina Fronda at Docena ay kapos na lamang ng 1 1/2 puntos sa likod ni Nguyen Thi Thanh An ng Vietnam, na tinalo ang dating leader na si WGM Irine Kharisma ng Singapore para masolo ang liderato matapos iposte ang 5.5 puntos.