Manila, Philippines - Nanatiling palaban ang nagdedepensang kampeon na Muntinlupa nang talunin ang Taguig, 79-77, sa Inter-Cities ng 2nd Coca-Cola Hoopla NCR Championship sa Duenas Gym sa Taguig nitong Biyernes.
Hinalinhinan ng Muntinlupa ang Pasay na napatalsik sa laro dala ng teknikalidad, at hindi naman nasayang ang pagkakataong ito nang manalo sa katunggali para maikasa pa ang do-or-die game na nilaro kagabi.
Ang mananalo sa rubbermatch ang siyang kakatawan sa South Zone sa Inter-Zonal na magbubukas naman ngayon sa Mandaluyong City gym.
May 16 puntos si Kevin Buenaflor habang 12 ang ibinigay nina Christian Paquinto at Karl Salvador para sa nagdedepensang kampeon na nakitaan ng tibay kahit nawala ang 59-49 kalamangan at nakadikit pa nga ang host team sa 70-67.
Samantala, magtutuos ang Mandaluyong at Antipolo sa alas-5 ng hapon at ang Caloocan at Quezon City dakong alas-7 ng gabi sa Mandaluyong City Gym at mag-uunahan ang mga nabanggit na koponan na makauna sa Inter-Zonal na isang double round robin.