Manila, Philippines - Dadalhin ni Jeson Patrombon ang talento sa Indonesia sa paglahok sa dalawang $10,000 Futures tournaments.
Umalis kamakailan sina Patrombon at coach Manny Tecson, unang laro ng 18-anyos numero unong junior netter ng bansa ay sa Indonesia F2 mula Mayo 30 hanggang Hunyo 5 sa Surabaya, Indonesia.
May ATP ranking bilang 1527, si Patrombon ay dadaan muna sa qualifying event sa nasabing kompetisyon bago makapasok sa main draw ng singles.
Pero sa ikalawang torneo sa nasabing bansa ni Patrombon na F3 Futures sa Jakarta mula Hunyo 6 hanggang 12 ay isa na siya sa mga seeded players at diretso nang kakampanya sa main draw.
Lumahok si Patrombon sa tatlong men’s tournament sa India noong Abril at sa F5 Futures sa Chennai naitala nito ang pinakamagandang pagtatapos nang makapasok ang batang netter sa second round ng singles at doubles competitions.
Tiwala si Tecson na mas maganda ang maipapakita ni Patrombon sa Indonesia dahil alam na niya ang kalidad ng mga makakalaban.
“I believe we are better prepared for these competitions than when we first started in India, Jeson has a clearer view on what we should expect at this level and the extra effort that is needed to be competitive with these professional men’s players,” wika ni Tecson.
Hindi lamang sa pros lalaro si Patrombon dahil matapos ang labanan sa Indonesia ay tutulak sila sa United Kingdom upang sumali sa dalawang malalaking juniors tournaments na Rohampthon International Grade I at sa Wimbledon Junior Championships.
Maliban sa paghablot ng mga puntos sa men’s circuit, layunin din ng tubong Iligan City na si Patrombon na mapanatili ang magandang ranking sa juniors na kung saan siya ngayon ay nasa ika-14 puwesto sa mundo taglay ang 631.25 puntos.
Ang Rohampthon ay gagawin sa London mula Hunyo 19 hanggang 24 habang mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 3 naman itinakda ang Wimbledon Juniors.