MANILA, Philippines - Makikilatis ang pagpupursige ng laro ng Maynilad sa pagsisimula ng PBA D-League Foundation Cup Playoffs ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Makakaharap ng Water Dragons ang Freego Jeans sa ganap na alas-2 ng hapon sa tagisang ang matatalo ay mamamahiga sa liga.
Ang tampok na sultada ay katatampukan ng bakbakan sa pagitan ng Blackwater at Junior Powerade dakong alas-4 at ang mananalo ay aabante naman sa quarterfinals upang masamahan ang mga nakapuwesto nang NLEX, PC Gilmore, Cebuana Lhuillier at Max Bond Super Glue.
Pre-season favorites ang Maynilad matapos buuin ito ng mga manlalaro mula sa NCAA champion San Beda.
Pero on and off ang laro ng tropa ni coach Frankie Lim upang magkaroon lamang ng 3-3 karta sa classification round sa Group A.
Mataas ang ekspektasyon pa rin sa Maynilad dahil ang manlalaro ng Red Lions ay nagtungo sa US para dumalo sa isang training camp.
Hindi man magagamit ang serbisyo ni Sudan Daniel ay tiyak naman na maganda ng kondisyon ng bataan ni Lim bunga ng pagdalo sa Camp.
Tiyak namang bibigyan sila ng magandang laban ng Falcons na hinulaan din bilang palaban na koponan pero nagkaroon lamang ng 2-4 karta.
Ito naman ang ikalawang sunod na knockout game na papasukin ng Powerade matapos unang kalusin ang Café France 77-65, nitong Martes upang makuha ang karapatang manatiling buhay ang hangaring korona sa ligang nilahukan ng 13 teams.
Sasandal si coach Ricky Dandan sa husay ng mga UP players sa pangunguna ni Alvin Padilla na siyang nagbida sa huling laban.
“Blackwater has a deeper lineup and it will surely be a tough challenge for us on how to contain them,” wika nga ni Dandan.
Si coach Leo Isaac naman ay sasandal sa husay nina Adrian Celada, Gio Ciriacruz at Ian Mazo para patuloy na lumaban.