BACOLOD CITY Philippines -- Mula sa kontrobersyal na protesta ng Iloilo, winalis ng Negros Occidental ang kanilang 'home-and-away' series upang sikwatin ang titulo ng PFF Suzuki Under-23 kamakalawa ng gabi dito sa Panaad Stadium.
Winakasan ng Negros Occidental ang kanilang two-game series ng Iloilo sa aggregate 21-1 mula sa kanilang 9-0 paggupo sa Iloilo sa second leg.
Sa first leg sa Central Philippines University sa Iloilo City, nagtabla sa 1-1 ang Negros Occidental at ang Iloilo sa regulation time subalit dalawang extra periods ang iniutos ng mga tournament officials.
Sa extension, dalawang goals ang ipinasok ng Negros Occidental patungo sa kanilang 3-1 panalo na iprinotesta naman ng Iloilo.
Ipinag-utos naman ni Philippine Football Federation (PFF) president Mariano "Nonong" Araneta na panghawakan ng mga tournament officials ang nasabing 3-1 tagumpay ng Negros Occidental bago ang second leg kontra Iloilo.
Ang pananaig ng Negros Occidental sa second leg ay binanderahan naman nina Fil-American Joshua Beloya, Gino Palomo at Aldrin Dolino.
Si Beloya, hinirang na Best Striker ng torneo, ang nagpasok ng dalawang goals sa 6th at 75th minutes at si Gino Palomo ang nagsalpak ng mga goals sa 38th, 45th at 50th minutes.