BACOLOD CITY, Philippines - Papagitna ang mga bigating national athletes sa pagsisimula ng athletics competition sa 2011 National Games dito sa Negros Occidental sa Panaad Park at Football Stadium.
Ilan sa mga national pool mainstays na lalahok sa kani-kanilang mga events ay sina Arneil Ferrera, ang Southeast Asian Games record-holder sa men’s shot put, at 10,000-meter run queen Jho-Ann Banayag.
Kabuuang 21 final events ang nakahanay para sa unang araw ng athletics.
Ang mga ito ay ang men’s at women’s shot put at women’s 10,000m run, women’s high jump, boy’s at girls’ discuss throw, women’s pole vault, girls’, women’s, men’’s at boy’s 100m hurdles, men’s hammer throw, men’s at boys, women’s at girls’ 400m run, men’s long jump, girl’s 5,000m run, men’s 3,000 run at men’s at boy’s 400m run (decathlon).
Bubuksan rin ang mga labanan sa beach volleyball, karatedo, lawn tennis, volleyball, muay thai, futsal, women’s football at pencak silat.
Ang 2011 National Games ay inihahandog ng Smart , P&G, Scratch it! Instant Tama Go for Gold at Summit Mineral Water at suportado ng Accel, Zest Air, Gatorade, Negros Navigation, Standard Insurance, Bodivance, Philippine Daily Inquirer, Super Ferry, ABS-CBN, Province of Negros Occidental, City of Bago, City of Bacolod, Lungsod ng Silay, City of Talisay at Philippine Star.
Ang lahat ng atletang babasag sa mga national records ay irerekomenda ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia sa mga Nationals Sports Associations (NSA).
Niliwanag rin ni Garcia na ang tanging karapatan lamang ng PSC ay ang magbigay ng monthly allowance sa mga atleta at hindi ang tumukoy sa kanila bilang miyembro ng national pool.
Ang 2011 National Games ang siyang magiging basehan ng komisyon sa pagpili ng atletang susuportahan para sa darating na 26th Southeast Asian Games sa Palembang at Jakarta, Indonesia sa Nobyembre 11.
Sa pormal na pagbubukas ng 2011 National Games sa Bacolod City New Government Center, idinaos ang fun run na dinaluhan nina Phil at James Younghusband ng Philippine Azkals.
Ang mag-utol na Younghusband ay nasa Bacolod City para sa kanilang football program.