MANILA, Philippines - Dahil sa ipinakitang hindi magandang pag-uugali, na-demote si Fil-Dutch midfielder Jason de Jong dahil hindi na sa Azkals kungdi sa U-23 na maglalaro ito sakaling bumalik ng bansa.
Sakto naman si De Jong sa pambansang koponan na ilalaban sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre dahil edad 21 pa lamang ito o dalawang taon mas bata kumpara sa ipaiiral na U-23 ng kompetisyon.
Si Jason ay dating naglalaro sa Azkals sa unang laban ng bansa at Mongolia sa Bacolod. Pero matapos nito ay hindi na bumalik pa ang manlalaro dahil may pinirmahang kontrat ito sa Persiba Balikpapan ng Indonesia.
Nagbago ang timpla ni De Jong at nais ngang makapaglaro uli sa pambansang koponan dahil tinanggal din siya ng Indonesian team nang may labagin siya sa nakasaad sa kanyang kontrata.
“He’s taking a stepp back and if he can prove himself and correct himself a little bit in his attitude, he can comeback,”wika ng German coach ng Azkals Michael Weiss.
Si Weiss din ang tinapik na head coach para umayuda sa U-23 team na maghahangad na bigyan ng kauna-unahang medalya ang Pilipinas sa football sa SEAG.