PAF, Cavite nakapasok sa semifinal round ng 2011 Cebuana-Lhuillier softball meet

MANILA, Philippines - Umabante sa semifinal round ang mga pinapaborang koponan na Philippine Air Force at Cavite City sa men’s division at Adamson University at Manila sa women’s categiory sa idinadaos na 2011 Cebuana Lhuillier-Chooks To Go Summer Grandslam Softball Invitational Championships sa La Trinidad, Benguet.

Kinalos ng Airmen ang Benguet, 8-0, habang nalusutan ng Cavite ang Baguio, 8-3, upang makapasok sa semifinals sa ligang suportado rin ng Pera Padala, Just Jewels, Cebuana Lhuillier Insurance Solutions, Le Soleil de Boracay at Phiten.

Ang UAAP champion na Adamson ay hindi naman natalo sa limang laro at hiniya pa nila ang nagdedepensang University of Sto. Tomas, 7-0, sa huling asignatura sa elimination round.

Hindi rin natalo ang Manila sa apat na laro para mapangunahan ang grupo at makakatapat nila ang Tigresses sa cross-over semifinals.    

Ang Lady Falcons ay makakaharap ang University of the Philippines Lady Maroons sa isang pares ng semifinals at ang mananalo rito ang siyang maglalaban sa titulo.

Ang torneo na inorganisa ng Amateur Softball Association-Philippines ay nilahukan rin ng mga national players na hinati-hati sa ibang koponan.

Show comments