MANILA, Philippines - Walang nakakatiyak sa kung sino ang makakapagdomina sa hanay ng mga mahuhusay na billiards players na kasali sa 2011 World Ten Ball Championship na sasargo ngayon sa World Trade Center sa Pasay City.
Si Mika Immonen ng Finland na nanalo sa kompetisyong handog ng Raya Sports noong 2009 at siya pa ring tatayong nagdedepensang kampeon dahil walang WTBC noong nakaraang taon.
Aabot sa 128 ang manlalarong kasali mula sa 44 bansa pero di tulad sa mga nagdaang edisyon, mas mabigat ang field na katatampukan din ng pagbabalik ng multi-titled pool player na si Wu Chia Ching.
Tatlong taong namahinga si Wu dahil nilisan niya ang Chinese Taipei at sa palarong ito na suportado ng Sports5, ay kasapi na siya ng delegasyon ng China.
“Me,” wika ni Immonen nang tanungin kung sino sa tingin niya ang mananalo sa press conference kahapon sa Midas Hotel sa Roxas Boulevard.
Pero nang nagseryoso, sinabi niyang ito na ang pinakamahirap na torneo ng World Pool Association (WPA) sa taong ito dahil sa paglahok ng mga bigating bilyarista ng mundo.
Mangunguna sa pipigil kay Immonen sa hangaring ikalawang sunod na WBTC titulo ay ang lahok ng German na sina Thorsten Hohmann at Ralf Souquet.
Si Hohmann ay sariwa pa sa pagkapanalo sa Philippine Open at aminado itong malaki ang maitutulong nito sa gagawing kampanya sa larong ito.
May 22 Pinoy din ang kasali sa pangunguna ng WPA number one player Antonio Lining bukod pa sa mga tinitingala na sina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Jeff De Luna, Antonio Gabica, Ronnie Alcano at Demosthenes Pulpul.
Ang Sporst5 ang siyang katuwang ng organizers sa taong ito at mapapanood ang mga laro ng live sa IBC-13 mula alas-2 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi mula ngayon hanggang Biyernes habang alas-12 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon naman ang time slot sa Sabado at Linggo.
Ang double elimination group stages ay gagawin ngayon at dedeterminahin ito ang 64 manlalarong aabante sa knockout stage.