Mas magaang ang timbang ni Pacman

LAS VEGAS--Kahit nakadamit pa ay hindi magiging problema kay Manny Pacquiao ang pag-abot sa 147 pound fight limit sa laban nila ni Shane Mosley na gagawin nga­yong umaga sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Sa isinagawang weigh-in kahapon na sinaksihan ng halos 6,500 manonood, pumasok si Pacquiao sa 145 pounds o dalawang pounds na mas magaan sa tim­bang na paglalabanan.

Idedepensa ni Pacquiao ang suot na WBO welterweight title laban sa dehado pero determinadong si 39-anyos na si Mosley.

Naipakita ng challenger na isang three-division champion at dating pound for pound king, ang ka­handaan na harapin ang matinding hamong ito nang pumasok sa timbangan sa eksakdong 147 pounds.

Si Mosley ang unang tumimbang bago si Pacquiao na may ngiti nang sumampa sa timbangan bago ipina-kita ang mga muscles sa katawan.

Tumagal nga lamang ng halos 10 minuto ang kaganapan at nagngitian pa nga sina Pacquiao at Mosley bago tuluyang iniwan ang entablado.

“We respect each other,” wika ni Mosley sa kalaban.

Nais ni Mosley na ipakita sa lahat na nagkamali sila nang ideklara siya bilang isang 6-1 underdog sa kasalukuyang pound for pound king.

Sa kabilang banda, mapalawig sa 14 na sunod na panalo mula pa noong 2005 ang balak naman ni Pacquiao na makamit para selyuhan ang mataas na estado sa professional boxing.

Magiging mainitan man ang laban, handa naman si Mosley na bumisita at magbakasyon sa Pilipinas matapos ang naunang imbitasyon sa kanya mula sa Pambansang kamao at kasalukuyang Kongresista ng Sarangani Province.

 “I might go down there and have a vacation, whatever happens. I have lots of fans there,” dagdag pa nga ni Mosley.

Show comments