MANILA, Philippines - Matagumpay na napagharian ni Reto Hug ng Switzerland ang men’s elite sa pagtatapos ng 18th ITU-K-Swiss Subic Bay International Triathlon kahapon sa Subic Bay Freeport.
Hindi inalintana ng 36-anyos ang mainit na panahon upang ilampaso ang hamon ng dalawang edad 23 anyos na sina Franz Loeschke ng Germany at Artem Parieno ng Russia nang talunin ni Hug ang mga ito sa rematahan sa finish line.
Kumaripas si Hug, lumahok sa 2000 Sydney, 2004 Athens at 2008 Beijing Olympics, sa huling 50 metro sa run para makuha ang ginto at katampukan ang pagdodomina ng mga European triathletes sa kompetisyong inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at handog ng K-Swiss.
Ito lamang ang ikalawang karera ni Hug na nabigyan ng pagkakataon magsanay sa Subic noong 2008 sa isang Training Camp para sa Beijing, sa taong ito at pakay niya na makalikom ng puntos na magreresulta sa posibleng ikaapat na paglalaro sa Olympics sa London.
May 1:54:36 winning time si Hug na mabilis lamang ng dalawang segundo kay Loeschke habang 1:55:09 naman ang tiyempo ni Parieno.
Binasbasan ng International Triathlon Union (ITU) bukod ng Asian Triathlon Confederation (ASTC), ang lumabas na pinakamahusay na Pinoy triathlete ay ang 19-anyos na si Nikko Huelgas.
Ang Philippine record holder sa 1:59:44 na ginawa sa Asian Beach Games sa Oman, Jordan noong nakaraang taon, si Huelgas ay nagtala ng 2:03:29 upang malagay sa ika-22na puwesto sa 43 triathletes na sumali.
Sina Neil Catiil, John Leerams Chicano at Jonard Saim ang iba pang Pinoy na lumahok at nalagay naman sila sa ika-26th, 33rd at 34th puwesto.