Manila, Philippines - Magiging krusyal para sa asam na panalo ni Manny Pacquiao kay Shane Mosley ang unang limang rounds sa kanilang sagupaan na gagawin sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ayon kay trainer Freddie Roach, si Pacquiao ang siyang magdadala ng laban kay Mosley at kung paano tutugon ang 39-anyos na dating pound for pound champion ang siyang magdidikta kung matatapos ba ng maaga ang laban para sa hawak na WBO welterweight title ng Pambansang kamao.
“The first five rounds of this fight are very critical. The way we go about attacking Shane is going to have a lot of thought behind it,” wika ni Roach sa conference call ng kampo ni Pacquiao kahapon.
Alam nilang mahusay na counterpuncher itong si Mosley at may lakas at bilis sa magkabilang kamao kaya’t ang laban nito kontra kay Antonio Margarito ang tape na kanilang sinuri ng husto at binasehan ng game plan.
“We’re 100 percent ready for the fight. If Mosley brings his best we’re ready to his best. I don’t think there is any room for an upset but in boxing you never know. We’re 100 percent ready on our end. We’ve done everything we can to get ready for the fight,” dagdag pa ni Roach.
Sa panig ni Pacquiao, nananabik na rin siyang makasukatan si Mosley pero hindi na niya ipinapasok sa isipan ang manalo sa pamamagitan ng knockout.
May 46 panalo sa 53 laban si Mosley pero hindi pa siya napapatulog sa kanyang career.
Handa rin niyang harapin ang anumang laban na ibibigay ni Mosley dahil nga sa masusing pag-aaral na ginawa nila sa mga nagdaang laban ng katunggali.