MANILA, Philippines - Wakasan ang kampanya sa eliminasyon ng PBA D-League sa isang panalo ang balak ng Maynilad sa pagbabalik-aksyon ng liga ngayon sa Letran Gym.
Kalaban ng Water Dragons ang malakas ding Cebuana Lhuillier sa ikalawang laro sa alas 4 ng hapon at kung papalarin ay ikaapat na panalo sa anim na laro ang mapapasakamay ng tropa ni coach Frankie Lim.
Unang magkikita naman ang PC Gilmore at RnW Pacific Pipes sa ganap na alas-2 ng hapon at parehong nangangailangan ng panalo ang dalawa para gumanda ang puwesto sa Group A.
May 2-2 karta ang Wizards habang 1-3 naman ang sa RnW pero pareho silang galing sa kabiguan sa huling laro.
Habang wakasan ang tatlong sunod na kabiguan ang pakay ng Pacific Pipes, dagdag motibasyon sa Wizards ay ang maipaghiganti ang tinamong 72-76 kabiguan sa kamay ng kalaban na nangyari sa unang tagisan sa pagbubukas ng liga.
Parehong malalim ang bench ng Maynilad at Cebuana kaya sa intensidad ng manlalaro na inaaasahang magkakatalo ang dalawang koponan.
Isang manlalaro na dapat na pigilan din ng Gems ay ang ex-pro na si Borgie Hermida na tumipak ng 10 puntos, 10 assists at 6 rebounds sa unang laro sa Water Dragons na nagresulta rin sa 119-67 pagdurog sa Junior Powerade.