MANILA, Philippines - Ang bagong organisasyong Philippine Aquatic Sports Coaches Association, Inc. (PASCAI) ang nakikitang magiging tagapagligtas ng swimming community sa bansa na matagal nang nakalugmok sa problema.
Itinatag nitong nakaraang buwan lamang ng isang grupo ng mga coach sa swimming, ang mga opisyal ng Board ay pinanumpa sa tungkulin kamakailan sa La Vista Subdivision sa Quezon City nina dating Senador Nikki Coseteng at Philippine Swimming League (PSL) president Susan Papa.
Hinirang na pangulo ng PASCAI ang coach ng Lipa Medatrix Swim Club na si Emil Amago, habang pangalawang pangulo si PSL coach Edgar Galeno, secretary si Nunilon Moreno at treasurer si Emerlindo Matienzo.
Itinalaga rin ni Coseteng, na aktibo sa pagsisiwalat ng mga anomalya laban sa pangulo ng Philippine Aquatic Sports Association (PASA) na si Mark Joseph sa imbestigasyon ng House Committee on Sports, ang mga miyembro ng board na sina Noy Fileteo, Jairulla Jaitulla, Edmundo Babiera, Junette Abesamis, Virgilio de Luna, Bernie Cabida, Sammy Banzon, Chito Rivera, Jeffrey Mendrano, Dave San Juan, at Norman Francisco.
“Masaya ako na makapagsisimula nang muli ang komunidad ng swimming. Wala na ang takot at lalaban sila para sa tama,” ani Coseteng, ang punong-abala sa Great PinoyPeace and Unity Swim, ang pagsubok ng Pilipinas na magtala ng bagong Guinness World Record para sa pinakamaraming taong lalangoy ng 60 talampakan sa loob ng 24 oras.