MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pagpapanalo ng Black Water pero natapos naman ang sa Cobra Energy Drink.
Sakay ng nag-iinit na paglalaro sa ikatlong yugto na kinatampukan ng isang 19-0 bomba, binalikan ng Elite ang Pharex, 86-75, upang makasalo sa lideratong tangan ng NLEX (3-1) sa Group A.
Si Adrian Celada ay mayroong 27 puntos habang sina Ian Mazo at Jerby Del Rosario ang nakatulong nito nang pakawalan ng Elite ang pamatay na porma na nagtabon sa naunang 42-46 bentahe ng Bidang Generix.
“Kita mo na ang confidence ng mga players na isa sa mga rason kung bakit kami nakabawi sa Pharex,” wika ni coach Leo Isaac.
Tumapos si Mazo taglay ang 13 puntos kasunod ng 14 ni Rocky Acidre habang 8 naman ang ibinigay ni Del Rosario.
Nagwakas naman ang dalawang dikit na panalo ng Ironmen nang maipasok ni Rudy Lingganay ang drive nito sa huling anim na segundo para sa 77-75 tagumpay ng Max Bond Super Glue.
Tila pandikit na hindi naghiwa-hiwalay ang Sumos matapos itabla ni Paul Lee ang laro sa 75-all sa isang atake para magkaroon ngayon ng apat na team--Max Bond, Cobra, Cebuana Lhuilier at FCA Cultivators na magkakasalo sa unahan sa Group B sa 2-1 baraha.
May 11 puntos si Lingganay upang isuporta kina Jun Jun Cabatu at Reil Cervantes na may 19 at 13 sa laro.
Blackwater 86 – Celeda 27, Acidre 14, Mazo 13, Zulueta 9, Del Rosario8, Ciriacruz 8, Belorio 6, Lapuz 1.
Pharex 75 – Morial 15, Aguilar 15, Losentes 9, Tecson 7, Adolfo 6,Taylor 6, Banal 5, Asoro 4, Mangahas 4, Viernes 3, Deutchman 1.
Quarterscores: 20-18; 40-40; 66-57; 86-75